Mula sa isang maliit na kolehiyo sa Manila noong 1908, ibang-iba na nga ang Unibersidad ng Pilipinas. Ang dami-dami nitong ipinagyayabang na alam naman ng karamihan (di kasi ako kasama) na kayabang-yabang talaga. Kada taon, hindi ko alam kung gaano karaming nagtatapos sa UP. Marami yata, baka mga 10,000 rin kada taon ang pinagtatapos nitong mga mag-aaral. Wow. Ang galing talaga ng UP, naka-100 taon na! 100 taon ng mayabong na kasaysayan… at tila kasaysayan na lang halos ang mga ito, lalo na ang UP bilang isang tunay na institusyon para sa mamamayan.

Naisip ko lang, sa 10,000 nakapagtapos sa UP, ilan kaya ang nagtatrabaho para sa bayan… para sa Pilipinas? Pambihira naman, pagkatapos kang pag-aralin ng taumbayan sarili mo na agad ang iniisip mo? Alam kong hindi tinuturo sa kolehiyo ang hiya, pero ganun na nga ba talaga ka-walang-hiya ang mga nagtapos sa UP? Sasabihin mo, “nagbabayad naman ng buwis ang mga magulang ko.” Sige nga, kwentahin mo yung ibinayad na buwis ng magulang mo at tingnan naten kung sapat yun para pag-aralin ka.

*Sige, gamitin mo na TOGA mo.
Ang mga tao hindi na rin yata umaasang ang mga nagtapos sa UP ang tutulong sa pag-asenso ng buhay nila. Tama naman sila, wala na rin talaga silang maasahan. Mapanglaw, sobrang panglaw.

Makakatulong daw ako sa mga problema ng Pilipinas kung mag-aaral na lang ako. Yun nga ang problema, halos lahat ng nasa UP nag-aaral na lang… pagtapos ng mag-aral, wala namang ginagawa. Gustong-gusto kong itanong sa mga nagsasabi nito, “pagkatapos mo bang mag-aral tutulungan mo na sila?” Marami pwedeng gawin at huwag na huwag sana silang magpakulong sa apat na pader ng mga kwarto sa paaralan.

*Oo sige, okay lang… COÑO, DRESS, SHORT SHORTS, SKIRT, BLOUSE?
Lumubog sa masa. Karamihan walang pakialam ang mga nagtapos sa UP dahil kahit minsan e di man lang naranasang makasama ang mga taong hirap sa buhay. Ibang-iba kasi kung nababasa mo lang sa dyaryo o napapanood sa telebisyon ang mga bagay na ito. Maaawa ka ng limang segundo, e maaalala mo pa kayang tumulong pagkalipas ng isang oras?

*Ayos lang, gigimik kayo? okay yan mukha kang HIP-HOP, kaw? cool, EMO. uso ngayon yan.
“Walang magagawa ang rally!” Okay. Okay. Okay. (Palibhasa di ka pa nakapag-rally.) Proud na proud ka na nasa UP ka tapos yan ang sasabihin mo. Kahit kunting pag-intindi na lang sana, yun lang sana. Gusto ko ring itanong sa kanila, “kung panahon kaya ni Marcos hindi pa rin ka ba kikilos?” At ang tanong diyan, “ano nga bang pinagkaiba nung panahon ni Marcos at ang panahon ngayon? Meron ba?”

*HAVAIANAS flip flops, ah sa’yo BANANA PEEL… okay.
Ang UP bilang institusyon sa Pilipinas ay unti-unti ng nagiging isang kalokohan at ang Oblation bilang isang alamat. “Bukas na pagsilbi sa mga mamamayan,” kwentong barbero na lang yun. Palitan na sana ng UP administration ang Oblation. Damitan na sana nila ito ng Americana o kahit barong dahil yun na lang naman ang ginagawa ng mga taga-UP… PUMORMA.

Post a Comment

You must be logged in to post a comment.